
Bakit nga ba maraming nasisilaw sa madaliang kayamanan? Heto ang kwento ng benteng balde, na magpapaliwanag kung bakit marami pa rin ang uhaw sa mga pangarap na sa kalauna’y nawawala na lang na parang bula.
Sa planetang Tigang, kapos ang tubig. Kaya ang sahod ng mga manggagawa duon ay tubig din.
Si Mang Tiago ay kumikita ng dalawang baldeng tubig bawat buwan. Ngunit kulang pa ito para sa kanyang pamilya, kapatid, inaanak, at sari-sari pang mga kamag-anak dun sa bansang kanyang iniwan.
Nami-miss niya nang lubos ang iniwang pamilya, pero napipilitan siyang magtrabaho sa malayong disierto.
Isang araw, kinausap ni Pareng Peng si Mang Tiago.
“Gusto mo bang kumita ng maraming tubig?”
“Paano?”
“Simple lang. Bigyan mo ako ng 4 na baldeng tubig. Sa loob ng isa o dalawang buwan, magkakaroon ka ng 20 baldeng tubig!”
“Yun lang ang gagawin ko, Pareng Peng?”
“Oo nga pala… kailangan mong magpasok ng dalawang tao na magdadala rin ng tig 4 na baldeng tubig din.”
Ika-9 pa lang ng umaga sa planetang Tigang, ngunit halos umaagos ang pawis sa noo at leeg ni Mang Tiago.
Ramdam na ramdam niya ang tumitinding uhaw sa kanyang lalamunan. Hindi basta-basta ang 4 na baldeng tubig. Ngunit hindi niya mapigilan ang pag pantasya dun sa 20 baldeng tubig na makukuha niya sa madaling panahon.
“Tiago, may produkto nga pala dito……”
Pero hindi na narinig ni Mang Tiago yung mabilisang kwentong yun. Iniisip lang niya kasi yung tubig.
Ang tubig ay buhay.
Ang tubig ay sagot sa kanyang kahirapan.
Ang tubig ang sasakyan niya pauwi sa piling ng kanyang pamilya.
Wala pang dalawang buwan, dumating na ang 20 baldeng tubig ni Mang Tiago.
Totoo nga! Hindi siya niloko ni Pareng Peng!
(Medyo binawasan ng mga promotor ng isang timba yung 20, pero okey lang.)
At habang dumami ang mga nakatanggap ng 20 baldeng tubig nila, lalo pang dumami ang mga nagsipasok ng kanilang 4 na baldeng tubig.
Yung ibang walang balde, baso ng tubig ang dala.
Maraming nagmamasid sa gilid at nagsabing hindi magtatagal ang ganyang sistema.
Ngunit hindi pa rin mapigil ang mga tao.
Marami kasing uhaw sa tubig.
Uhaw sa pagmamahal.
Uhaw sa pag-angat sa buhay.
Uhaw sa pagtupad ng pangarap.
“Aaahhh! Ang sarap!”
Nilagok ni Mang Tiago ang kalahating baldeng tubig, tapos nakangiti niyang kinamusta yung mga dudero sa tabi ng kalsada.
Napapailing ang mga ito, habang hinigpitan nila ang kapit sa kanilang mga balde.
Alam nila na ang mga 20 balde ay galing lamang dun sa mga nagdadala nung 4 nilang mga balde.
Si likod ni Mang Tiago at Pareng Peng, pahaba nang pahaba ang pila mga balde.
Parang mabilis na ahas na may nakakubling kamandag din sa dulo.
Hindi natin masisisi ang mga pikit-matang sumanib, dahil napakatindi ng kanilang pagkauhaw.
Ang taong sobrang uhaw,
kahit malabong tubig ay lalaklakin.